Test proyekto(test)

Parang sine

Kuwento mula Pranses

Salin ng kuwento ni Benoit Deteurte

 

Nakaipit sa imbitasyon ang kopya ng iba’t ibang ruta sa Misa, tapos sa hapunan. Nagdispensa si Lionel at sinabing sa hapunan na lang dadalo. Pagdating sa okasyon, nagtren siya sa pinakamalapit na estasyon, sumakay sa taxi, binaybay ang liko-likong daan sa may ilog, at lumusot sa gubat. Paglabas sa gubat itinuro ng tsuper ang matayog na kastilyo sa lambak; kapritsong burgis ng siglo disinuwebe na naging hotel-restawran na para sa mga piging-pampamilya at seminar pangkompanya.

 

Dire-diretso sa aspaltadong eskinita ang bungad ng asyenda, may palamuti ng binubukbok na estatwa para magmukha pa rin itong pasyalan. Ginawa nang paradahan ng kotse ang buong hardin. Binayaran ni Lionel ang metro. Bumababa sa palibot niya ang nakaternong lalaki at de-sumbrerong babae mula sa maluluwang at magagarang kotse— mga injection model na madilim ang kulay at papikit-pikit na signal light. Sa ihip ng tagsibol lumakad lang sila papunta sa mauging na seremonyas ng kasal. Umikot ang usapan sa negosyo, mga anak, pag-aaral, at pista-opisyal. Sa mag pinto ng kastilyo, suot ang terno at puting damit, sinalubong ng bagong kasal ang mga bisita. Humalik si Lionel sa tiyo at tiya niya, ang magulang ng lalaking ikinasal na ngayo’y nakapormang Senyor at Senyora. Suot ang pormal na top hat, humihitit ng tabako si Tio Jean, nag-aastang asyendero.

 

Naglabas muna ng inumin bago kumain. Nagtipon ang mga bisita sa sala na may pintong de-tulak na bumubukas sa ilog. Bumati si Lionel sa ilang pinsan niya na nakapansing kuntodo-porma siya at nagpalakas tuloy ng loob niya. Asiwa ang tao sa edad niyang trenta’y uno, sa bihis na parang atrasadong bohemyo, sa nanlilimahid na maong at t-shirt na may malaking tatak:”Kontra-Trabaho;” pero ngayong gabi naaaliw lang ang lahat dito. Umugong ang salitaan tungkol sa golf, skiing, mga sasakyan, telebisyon, pamilya, at politika. Nakikipag-usap sa negosyante ang isang miyembro ng Batasan at kaibigan ng pamilya. Naisip ni Lionel na baka may ibubuga sa kultura itong mahalagang tao sa bayan nila at baka nabasa nito ang importanteng artikulo tungkol sa maikling pelikula niya na lumabas sa lokal na peryodiko noong nakaraang buwan. Talagang pabalik-balik siya sa harap nito, baka sakaling batiin siya nito, nagsimulang manukso ang Mambabatas:

 

“Hoy, disipulo ng sining! Ayos ka ba riyan? Musikero ka pa rin ba?” at saka bumaling muli sa negosyante.

 

 

Design a site like this with WordPress.com
Get started